MANILA, Ang
tricycle na siguro ang pinakamaingay at pinakamausok na sasakyan sa
lansangan. Pero binago ito sa pamamagitan ng electric tricycle na
ginawa ng isang kumpanya.
Sa ulat ni GMA reporter Kara David kamakailan, sinabing higit na malaki
ang maiuuwing kita ng tricycle driver kung de-kuryente sa halip na
de-gasolina ang kanilang gagamitin.
Sa ginawang Transport Summit sa Taguig City, ipinakita ang bagong
electric tricycle na kayang tumakbo sa bilis na 60 kilometer per hour.
Kumpara sa kunsumo ng de-gasolinang tricycle na aabot P200 bawat araw,
ang electric tricycle ay kakain lamang ng P38 bawat araw sa kunsumo ng
kuryente sa pag-charge ng baterya nito.
Ang fully-charge na electric tricycle ay kayang tumakbo nang dalawang araw.
“Yung full charge mo (na tricycle) can run up to 120 kilometers. Ang
average trip ng driver per day ay 60 kilometer ang cost nya ang
estimate namin mga P38, so ang cost mo per day is about P20," paliwanag
ni Gerard Villora, CEO Electric Vehicle Solution Inc.
Dahil sa naranasang pagtaas ng presyo ng gasolina nitong nakalipas na
mga buwan, sinasabing mabuting alternatibong sasakyan ang electric
tricycle.
Ayon kay David, ang isang unit ng electric tricycle ay nagkakahalaga ng
P110,000. Kaya naman balak umano ng lokal na pamahalaan ng Taguig na
magkaroon ng financing package para sa mga driver na nais palitan ang
kanilang de-gasolinang tricycle.
“Ang LPG parang stop gap solution lang yan. I mean its still a fossil
fuel na ginagamit mo and still depleting the planet resources. Mayroon
ka pa ring fume. Dito (sa electric trike) wala na talaga," paliwanag ni
Taguig City Mayor Freddie Tinga. - GMANews.TV
URL http://www.gmanews.tv/story/128758/Electric-tricycle









